Om Bigkis
Pasakalye
Ang haraya o imahinasyon ng isang tao ay nakapangyayari. Kung ang gunita ay katulad ng isang karagatan na may angking lalim, at ang pangarap ay katulad ng isang kabundukan na may pagkatayog, ang haraya ay maikukumpara ko sa isang malawak at matabang lupain.
Bunsod na rin marahil ng aking ganitong malikhaing paniniwala bilang isang manunulat, sinikap kong pagyamanin, pakinabangan, at alagaan ang haraya na pinamana sa aking pagkalalang bilang isang tao, bilang isang Filipino, at bilang isang nagtatangkang maging alagad ng sining. Kung kaya naman ang naging unang bunga ng aking pagsisikap at pagtatangkang ito ay ang Bigkis: Labing-Anim na Maikling Kuwento.
Sa malawak at matabang lupain ng aking haraya ay inani ko ang iba-ibang tinig mula sa aking sariling mga karanasan, mula sa danas ng aking mga nakasalamuha sa buhay, mula sa aking sariling mga gunita't pangarap, mula sa maraming bagay na hindi ko rin lubos na maipaliwanag kung bakit sa tiyempong ako'y nagsusulat na ay ito ang mga paksa at persona na pinagsikapan at tinangka kong bigyang-tinig. Sa huli, iisa lamang ang palagi kong bilin sa sarili - ang haraya ay nakapangyayari.
Dahil dito'y malaki ang pag-asa ko at taimtim ang aking panalangin na sa mga akdang ito'y silayan din ng inspirasyon ang aking mambabasa upang dinggin ang panawagan ng kaniyang pagiging likas na malikhain, at simulan na rin niya ang paglinang sa kaniyang nakapangyayaring haraya at ang paglikha ng kaniyang sariling tinig.
Visa mer