Om Gisingin ang tulog, Patulugin ang puyat
Minsan sa tula natin mahahanap ang paglilinaw sa mga bagay, mga kasagutan sa tanong kung paano tayo nagiging kabahagi nito habang binabasa. Ang tula ay nasa kahit saan, hinihintay lang niya ang makata na kumuha ng sangkap at magtimpla upang mabuo ito. Nabuo ang librong ito dahil sa karanasan at mga kuwentong pinaniniwalaan ng bayan na ayon sa kasaysayan ay tama.
Natagalan man sa pagluto ngayon ay buong pusong inihain ang bahagi ng kaisipan na inilapat sa piraso ng papel na kung saan ay may layang nagsasaysay tungkol sa mga kuwento ng buhay maging kuwento ng mga walang buhay, naging boses sa mga gustong magsalita na hindi nabigyan nang pagkakataon, naglahad ng mga 'di pansing kuwento ng sistema, ideyolohiya sa akala mong walang halagang bagay na kung makata ang tatanungin ay nagiging makabuluhan ito. Oo , alam ko na hindi madaling salain ang mga konsepto na nag-uunahan upang mailimbag sa katunayan minsan sa pagtulog gusto ko na may mapanaginipan na tema ng paksa na siguradong tatangkilikin ng lahat.
Nais ng mga tulang nakapaloob dito na tapikin ang mga nagtutulug-tulugan at patulugin ang mga matagal nang nagpupuyat sa sistema, naniniwala ako na napakaraming kuwento sa kasaysayan na kayang buhayin at bigyang linaw ng mga tula, alay ito sa kanila.
Kung may ilang bagay man ako na masabi na hindi katanggap-tanggap para sa iyo, itulad mo na lang ang librong ito sa mansanas na may bahaging bulok: hiwain ang bulok na bahagi, itapon at tsaka pakinabangan ang natira, sa parehong dahilan pilasin at basahin ang mapapakinabangan.
Hawak mo ngayon ang kalipunan ng aking mga tula gaya nang sinabi ko sa paalala ng may-akda "buhayin mo sila."
Visa mer